Kung ikaw ay may pagkakataong magmasid sa mga pagamutan, mababatid mong maraming mga sanggol ang ipinapanganak. At sa araw ring iyon, marami ang nababawian ng buhay. Masdan mo ang kahit na anong puno sa paligid. Sa isang araw, maraming nalalagas na dahon mula sa punong ito, subalit marami ring nagsisimulang umusbong.
Sa mundong ito, nakapanghahari ang isang misteryo sa araw-araw. Naririyan ang pag-usbong at pagkalagas ng dahon; naririyan ang pagbigay at pagbawi ng buhay. Ang tao ay katulad ng isang bagay na biglang sumusulpot at mayamaya'y biglang maglalaho. Ang buhay ng tao'y maikli at puno ng hirap, namumukadkad na parang bulaklak, natutuyong parang damo, naglalahong parang bula, lumilipas na parang anino.
Ang tao ay ginawa ng Diyos upang makapamuhay at mabuhay magpakailanman. At kung tayo'y mamamatay, hindi tayo lilipas sa kawalan. Tayo'y magkakamit ng panibagong buhay. Kung tayo'y namuhay sa masama at namatay nang di nakapagsisisi sa mga ginawang kasalanan, tanging ang nakakapasong impiyerno lang ang ating kalalagyan. Dito natin sasayangin ang ikalawang buhay.
Darating ang Huling Paghuhukom, ang sangkatauhan kasama ang pinagsanib na katawan at kaluluwa ay tatayo sa harapan ng Diyos. Ang katawan at kaluluwa ang siyang makakarating sa langit o di kaya'y sa impiyerno dahil kapwa ginagamit ng tao ang kanyang katawan at kaluluwa sa pagmamahal sa Diyos o sa paggawa ng kasalanan habang nasa mundong ibabaw. Ang tao'y makapamumuhay nang walang hanggan. Titigil sa pagtakbo ang panahon. Ang kahapon at ang bukas ay kapwa mawawala ng tuluyan. Magkakaroon ng walang katapusang kaligayahan o di kaya'y paghihinagpis. Ang pamimili sa dalawa ay nakasalalay sa ating pagpapasya kung paano natin gugugulin ang oras na nalalabi.
Ano ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong mundo, kung ang katumbas nito'y ang pagkakansanla ng kanyang kaluluwa? Ano ba ang buhay na walang hanggan?
Kailangan nga siguro nating mabuhay ng praktikal. Kailangan din nating isipin ang ating pangangailangan dito sa lupa, ngunit kailanman, hindi natin dapat kalimutan ang Diyos na siyang Dakilang Lumikha at Dakilang Manunubos ng sanlibutan. Siya ang sa atin ay nagbigay-buhay, at nararapat lamang na sa kanya natin ito ialay. Ang buhay ay maikli at ang kamatayan ay sadyang inaasahan. Marami tayong kinakailangan sa ating pamumuhay ngunit tanging ang Diyos lamang ang nangingibabaw sa lahat ng ito.
Able
1 hour ago