Hindi na dapat pang pag-usapan
Kung dalubhasa man o katamtaman
Pagalingan, pasikatan, hindi na kailangan
Ang mahalaga ay hawak kamay, nagtutulungan.
Lumilipad, malalim na kamalayan
Talino't unawa , hanggang sa kawalan
Utak ay pinupuwersa, pinipiga
Makatas lamang makahabi ng tula.
Anila nagpapakahirap walang napapala
Hindi naghihintay ng anumang gantimpala
Ni obrahan, plake o bantayog ng istatwa
Kahit walang makuha, boluntaryong gumagawa.
Iba't ibang tema, malungkot man o masaya
Layunin lamang, makapagdulot ng ligaya
Bukal sa puso, pagod at hirap hindi alintana
Basta't marami lamang ang makakabasa.
Kung may pumupuri, maraming salamat
Puso ay lumulukso, hindi maawat
Kapag hawak na ang papel at panulat
Tila may agimat kung sumusulat.
Likas man o kaloob na talento
Ito ay handog buhat kay kristo
Hindi dapat ipagkait, isiwalat sa mga tao
Makapawi ng lumbay mapasaya kayo.
Pobreng manunulat sa mata ng karamihan
Beterano man o maging baguhan
Kaligayahan naming ang kayo'y handugan
Makatang tula, nawa'y inyong pagdamutan.
0 mga kritiko:
Post a Comment
Paalala: Ipahayag ang inyong emosyon, puna, kuro-kuro, mungkahi, at opinyon hinggil sa post na ito ay aking pasasalamatan.