Jan 14, 2011

Years After

Nakausap kita, nangangamusta. Binalita mo na okay ka na. Nakamove on na.Kinalimutan mo na siya. Natatawa ka pa nga. Sinasabi mong mabuti at wala na kayo. Nalulungkot ka sa nangyayari sa kanya pero wala ka ng magagawa. Nagkanya-kanya na kayo at nagpapasalamat ka sa Diyos dahil ginising ka niya. Iyon ang sinabi mo.

Hindi ko alam kung bakit iba ang narinig ko. Hindi ko alam kung dapat kong paniwalaan ang pagkakaintindi ko. Na naaapektuhan ka sa nangyayari sa kanya. Na nais mong malaman kung ano na ang balita. Na wala kang magawa o sana may magagawa ka sa kinasasadlakan niya pero hindi na kayo at wala kang paraan para muling mainvolve. Hindi mo man sabihin, parang ang pagkakaintindi ko ay nais mong malaman ang contact number niya o kung paano siya makakausap. Tinapos natin ang pag-uusap na parang bitin, na parang nais mong malaman kung ano ang mga sinabi niya tungkol sa iyo o kung nabanggit ka man lang ba niya.Hindi ka bitter, hindi yun ang nais kong iparating. Gusto ko lang sabihin na minsan, hindi maitatago ng mga salita ang hinanakit ng loob. Matalim ang boses, malalim ang hinga, may tonong naghahanap pa rin ng sagot.

Hindi kinakailangang magpaliwanag at patunayan sa lahat na okay ka na. Malilimutan rin ng mga tao; ng mga kaibigan mo ang pinagdaanan mo. Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang problema, naging bahagi man tayo sa isa’t-isa, hindi kinakailangan ng paliwanag o kwento kung kumusta ka na. Kahit taon ang lumipas, kung sakaling nasasaktan ka pa rin o nalulungkot o nag-iisip kung bakit nangyari yun, ganun talaga. Hindi lang tayo rational being – emotional and social being rin tayo. Hindi ibig sabihin nun na hindi ka nakamove on. Minsan ang ibig sabihin nung ganung sakit sa kabila ng taon na lumipas ay – nagmahal ka ng tunay. Malalim at totoo. Dahil dun, hinahangaan kita.

0 mga kritiko:

Post a Comment

Paalala: Ipahayag ang inyong emosyon, puna, kuro-kuro, mungkahi, at opinyon hinggil sa post na ito ay aking pasasalamatan.

Followers