Bawat isa sa atin nangarap na mag tagumpay sa buhay. Habang lumilipas ang panahon, nag-iiba din ang ating pamantayan at pananaw sa salitang tagumpay. Ano nga ba ang tagumpay ? Paano natin masasabi ang isang nilalang ay matagumpay sa larangan na kanyang pinili o sa buhay niya mismo sa araw-araw ? May sapat bang basehan para masukat ito ? May tamang kategorya rin ba para maabot ang tugatog nito ? Kung meron bakit sadyang napakahirap marating ?
Bata pa tayo inukit at ikinintal na sa murang isipan natin na kailangan may marating, na kailangan maging matagumpay. Mag-aral ng mabuti, makatanggap ng diploma sa kolehiyo, maging dalubhasa & gamitin sa mabuting paraan ang karunungan. Naging sandalan natin ang sipag, lakas & tibay ng loob. Nagsumikap tayo sa buhay, pagtitiyaga & sakripisyo ating dinaranas, pikit-mata nating kinakaya ang lahat ng dagok upang makita ang susi sa magandang bukas. Andiyan, maging sunod-sunuran tayo sa batas ng ating magulang,na minsan nawawalan tayo ng kalayaan sa sariling pagpapasya, nagigi tayong alipin ng sariling dugo & banyaga. Pinapasan ang pagsubok , ang mga hagupit ng tadhana kahit nalulugmok na tayo, pinipilit nating bumangon dahil ayaw natin makita si Kabiguan.
Ang tagumpay daw 'di makukuha sa isang kisap-mata. Ito ay pangmatagalang proseso, ng walang tuldok na pagnanais & paghahangad. Gasgas na ang kasabihang " ang umaayaw ay hindi nagwawagi , at ang nagwawagi 'di umaayaw" ngunit ito ay totoo. Dahil sa salitang tagumpay kaya tayo nagkakaron ng mga adhikain sa buhay, mga pangarap na huhubog sa pagharap at pakikibaka sa araw-araw. Tunay na masakit ang maranasan ang kabiguan, ngunit ito'y parte na ng hiwaga ng buhay. Mas matamis daw kang ang tagumpay ay pinaghirapan natin, na dugo't pawis ang pundasyon nito. Mas mabibigyan ng halaga & importansya kaysa sa tagumpay na kusang inabot o nilagak lang sa harapan.
Noong nasa elementarya pa lamang ako, kapag sinabing tagumpay kakabit ang salitang kaligayahan. Lahat ng aspeto sakop nito higit sa lahat materyal na bagay. Isang ehemplo namin ang nagiging guest speaker sa school. Nakapagtapos ng pag-aaral, may mataas na katungkulan sa pinagtatrabahuan,may malaking bahay, kotse, at hinahangaan ng mga tao. Sila'y iniidolo ng kabataan, ipinagmamalaki ng paaralan, at may ambag sa lipunan. Bilang isang estudyante, nangangarap akong sana ganyan din ang marating ko o kaya'y sana ako nalang ang nasa kalagayan niya. Nagsumikap ako na makapagtapos ng pag-aaral. Inspirasyon ko ang kanilang narating ngunit sa kabila ng tuwa & halakhak na mababanaag sa aking mukha bakit may kulang ? Akala ko ang tagumpay ang bumubuo sa atin, hindi pala. Ilang medalya man ang isabit saiyo, mabingi ka man ng ugong ng palakpakan, at isigaw man sa buong mundo ang iyong pangalan, wala rin pala. Mas matagumpay palang matatawag ang pag-kakaroon ng kasiyahang sa maliit na bagay, pagkakuntento kong anung meron ka, bunos na lamang pala ang pagkakaroon ng malawak na lupain, karangalan, at kayamanan.
Minsan ang tagumpay ng tao depende sa pamumuhay na kanyang kinamulatan. Sa simple at payak ng pamumuhay may tagumpay. Aanhin mo naman ang mataas na sweldo kung ang kalusugan mo ay hindi maganda, saluduhan ka man o sambahin ng masa kung ang sarili mong pamilya 'di ka nila nirerespeto, yumukod man sila saiyo kung sarili mo mismo 'di ka kilala ? Alahas, Pera, at mga kagamitan meron ka kung pakikipag kapwa wala ka, lahat ng iyon ay walang halaga.
Ang tunay na tagumpay ay masasalamin kung paano ka igalang ng iyong kapwa, na walang takot sa kanila, kusang nilang ibinibigay hindi dahil Amo or nasa itaas ka. Kung paano mo itrato na may pagpapahalga sa karapatang pantao at pagmamahal , ito'y nangangahulugan ng pagtulong na walang hinihintay na kapalit. Nakatira ka man sa kubo kung ang puso't isipan mo busilak sa pakikipag kapwa tao at may kababang loob lagi, ito ay tagumpay na matatawag. Mahirap ka man sa buhay kung masaya mong nakakasama ang iyong pamilya o kaya'y kulang ka man sa pinag aralan kung sentro ng iyong buhay ang Poong Lumikha, sa mata Niya ikaw ay matagumpay.
0 mga kritiko:
Post a Comment
Paalala: Ipahayag ang inyong emosyon, puna, kuro-kuro, mungkahi, at opinyon hinggil sa post na ito ay aking pasasalamatan.