Kung sa langit ako'y patutungo, ano ang dapat kong dalhin?
Ang kuwintas ko kayang ginto o ang brilyante kong singsing?
Mayroon akong bahay, kotse, alahas na nagniningning.
Sapat na ba Panginoon ang mga yaman kong angkin?
Magandang katayuan sa buhay, akin nang narating.
Mga materyal na bagay, natamo ko na rin
Hindi na mabilang, kaibigan kong itinuturing
Alin sa mga ito ang nais Ninyong aking baunin?
"Sa mga nabangit mo, wala doon ang kailangan Ko.
Alalahanin mo anak, wala itong halaga sa buhay ng tao.
Kahit mayroon kang pilak at ginto, huwag mo sanang lilimutin
Ang pag-ibig at patawad Ko, hindi kailanman maaaring bilhin.
Dito sa Aking piling, wala kang kakailanganin
Alalahanin mo na lahat ng bagay, sa Akin nanggaling.
Ang sinasabi mong kayamanan ay basahan lamang sa Aking paningin
Kaya't kung pupunta ka sa langit, wala kang dapat dalhin.
Tunguhin mo ang Aking kaharian na ang tanging dala ay sarili
Kasama ang mga alaala ng lahat ng ginawang mabuti.
Pag-ibig sa kapwa, pananalig sa Akin at malinis na budhi
Iyan lang ang tanging mahalaga kung sa Aki'y mananatili."
That Happy Feeling
10 hours ago