Buhay: isang hindi matatawarang regalo sa atin ni Bro Boss. Lagi pa nga tayo'ng nagpapasalamat sa bawat paggising natin tuwing umaga dahil tinuturing nating isang biyaya ang ating mga Buhay.
Ang Bawat Sanggol na isinisilang ay isang Blessing sa Bawat ina, ama at mga anak. Ngunit sa patuloy na paglobo ng ating populasyon, nahahati ang opinyon ng simbahan at pamahalaan tungkol sa pagkontrol nito.
Hindi masamang mag-anak ng mag-anak lalung lalo na kung kaya'ng sustentuhan ng mga magulang ang kanilang kinabukasan. Walang kaso kung magagawa nilang pakainin ng tatlong beses sa isang araw, mabigyan ng proteksiyon laban sa iba't ibang karamdaman, bahay na masisilungan at magkaroon ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak. Subalit kung mapapabilang naman sila sa milyun-milyong mga Pilipino na walang trabaho, tahanan at laman sa tiyan, ibang usapan na yan.
Masamang kumitil ng buhay. Hindi lang pananagutan sa batas ang katapat niyan kundi maging parusa sa kabilang buhay. Totoo naman at walang dudang hindi ko tututulan yan. Alam nating lahat ng walang sinumang bumawi ng buhay ng isang tao kundi tanging ang ating mahal na Panginoon lamang. Pero bilang isang Pilipino, importanteng magkaroon tayo ng responsibilidad sa bawat aksiyon na ating gagawin.
Makailang ulit pinalabas sa telebisyon ang mga balita ng mga inaabandonang mga sanggol. Kadalasan ay makikita sa may basurahan, swerte kung may buhay pa ngunit kung di pinalad, matatagpuan itong isa nang malamig na bangkay. Naging usap-usapan din ang sanggol na iniwan sa isang airport (kung hindi ako nagkakamali). Naging maingay din ang ilegal na bentahan ng sanggol sa ating bansa. Kadalasang katwiran ay hindi alam kung paano bubuhayin ang anak kaya nila ito nagagawa.
Laman din ng balita ang mga tao'ng lumuluwas ng kanilang mga probinsya patungong Maynila para makaahon umano sa hirap kasama ang kanilang buong pamilya. Sa kasamaang palad, ang inaakalang nag-aantay na ginhawa, masahol pa pala sa kamalasan. Ang resulta, mga pamilyang nakatira sa estero, gilid ng tren at mga pribadong gusali.Ang masakit pa dito, sila pa ang ubod ng dami ng mga anak. Mga bata'ng walang saplot, at namumulot ng mga tira-tirang pagkain. Di alintana ang mga sakit na maaaring makuha dahil sa dumi at mga mikrobyo.
Sa paulit-ulit na problemang ito, mukhang napapanahon na para sa modernong pagbabago. Sa aking artikulong ito, panigurado'ng maraming kokontra at mayroon din namang sasangayon. Isa akong kristiyano hindi nga lang tulad ng iba'y nagpupunta ng Simbahan tuwing Linggo, kumukumpleto ng Simbang Gabi at nagseserbisyo pag semana santa. Pero si Bro Boss ay nasa puso't isipan ko lang. Humihingi ako ng dispensa sa Simbahang katoliko dahil aking napagdesisyunan na pumabor sa reproductive health bill ng ating pamahalaan.Hindi pagpatay ng buhay ang layunin ng batas.Isipin nyo lang din, sa Vatican na kung saan nandoon ang ating mahal na Santo Papa, legal ang abortion. Ang sa akin lang, magagawa pa bang buhayin ng isang ama at ina na kumikita ng kakarampot na sahod na me 12 na anak ? Kung talagang importante ang buhay, sana'y isipin muna kung ano ang kahihinatnan at kinabukasan ng mga batang mabubuhay sa hirap. Hindi dapat laging anak lang ng anak. Hindi yan mga tuta na kayang mapag-isa makalipas ang 2 buwan. Kung mahal natin talaga sila, importante ang tamang pagpaplano ng pamilya.