Sa ilalim ng dagat, kung may pinagkakaguluhan man ay walang
iba kundi si Pindong Hipon. Lubos niyang pinagmamalaki ang kanyang matipunong
pangangatawan sa iba pang mga hipon ang ilan ay sumasang-ayon at labis na
pinupuri si Pindong samantalang ang iba ay nayayabangan na.
"Pagmasdan ninyo ang aking kulay na lubos na
kumikinang. Tingnan ninyo ang aking pangangatawan, hindi ba`t pinapangarap
ninyo ang ganyan? Hanggang tingin na lamang ang sinumang mangarap na magkaroon
ng pangangatawang gaya ng sa akin na pagkalusog-lusog," wika ni Pindong
habang nakaliyad.
"Mayroon din naman kaming maipagmamalaki Pindong, kaya
lang, eh mas pinagpala ka," sabat naman ni Budong Hipon, isa sa mga
kababata ni Pindong.
Dudugtungan pa sa ni Budong ang kanyang sinabi ngunit
lumakas na agad ang tinig ni Pindong at nangungutyang wikikang, "Talagang
namang malusog ako! Pagmasdan ninyo iyang mga katawan ninyo, payat, tuyot, at
lanta. kaawa-awang mga nilalang"
Hindi tumugil ng panlalait si Pindong sa mga hipon at wala
siyang pakialam kung may masaktan man sa kanyang mga sinasabi. Palibhasa, gayun
na lamang ang paghanga sa sarili at lubos na pagpapasikat sa mga ibang hipon.
"Teka, hindi ba`t si Boyong ay may matipunong
pangangatawan din?" tanong ni Ilyong.
"Oo nga, oo nga!" tugon ng marami.
"Sandali, anong ibig ninyong sabihin? Na mas matipuno
ang katawan ni Boyong sa akin? Hindi maaari. Ako lamang yata ang may
pinakamagandang katawan sa lahat ng hipon dito sa karagatan. Mapapatunayan ko
na kahit ang ibang mga nilalang dito sa karagatan ay hahanga sa akin. Maging
ang mga tao lalo na ang mga mangingisda ay tiyak na pupurihin ang aking
kaanyuhan," pinagyayabang ni Pindong.
"Totoo ngang malusog ka. Kaya lang, kung gaano ka
kataba ay gayun naman kahina ang ulo mo," wika ni Impong Hipon, ang
pinakamatanda sa kanila.
Natigilan ang lahat. Napahiya si Pindong ngunit di niya iyon
pinansin.
"Mabuti pa, ganito na lamang ang ating gawin upang
malaman kung sino ang pinakamatipuno. Ang unang makakarating sa laot ang
tatanghaling pinakamalusog sa lahat," may ningning sa mata ni Pindong.
Sumang-ayon ang lahat sa panukala ni Pindong ngunit pinigilan
sila ni Impong.
"Mga anak kong hipon, huwag na huwag kayong
magkakamaling magtungo sa laot dahil huhulihin lamang kayo ng mga mangingisda.
Ikaw naman Pindong, dito mo na lang ipagmalaki ang pangangatawan mo," wika
nito.
"Bakit dito, eh inggit na inggit na nga kayo sa akin?
Gusto ko lang namang ipakita sa mga tao kung anong klaseng hipon ako. Nais ko
ring ipaalam sa lahat kung gaano ako hahangaan ng mga tao," katwiran ni
Pindong.
"Pakingan ninyo ako sapagkat mas may karanasan na ako
sa inyo. Huhulihin lamang kayo ng mga mangingisda kapag kayo ay nakita,"
paliwanag ni Impong sa mga hipong nakapalibot at nakikinig sa kanya.
Pagkatapos, ito`y lumayo na.
Hindi lamang kayabangan ang masamang ugali ni Pindong kundi
katigasan ng ulo. Hinikayat pa rin ang mga kasamahan sa paligsahan. Ayaw rin
naming magpatalo ng iba sa kanya kaya sumama sila at sinimulan ang paglangoy
papuntang laot.
Pagkalipas ng ilang oras, dumating ang mga mangingisda at
nakita ang mga hipon na lumulutang-lutang . Tuwang-tuwa naman si Pindong dahil
sila ay itinanghal sa pinakamalusog sa lahat. Nakita ng ibang hipon ang mga
mangingisda at dali daling sumisid. Naiwan si Pindong at ang ilan niyang
kaibigan. Hindi nila napansing inihagis sa kanila ang lambat. Maya maya pa ay
hinugasan sila at iniluto upang kainin ng mga mangingisda.
“Tiyak na masarap ito dahil napakataba! Siksik na sisik ang
laman di tulad ng iba,” pahayag ng isang mangingisda at isinubo si Pindong.
Nakamit na rin ni Pindong ang kanyang pinapangarap na
hangaan ng tao.